Nagbabala ang Presidential Communications Office (PCO) na walang sasantuhin ang pamahalaan sa paghahabol sa mga nagpapakalat ng “fake news,” partikular na ang mga malisyosong impormasyon tungkol sa Unang Pamilya at sa kalusugan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay PCO Acting Secretary Dave Gomez, ang gobyerno ay magpapatupad ng “zero tolerance policy” laban sa mga indibidwal o grupong sadyang gumagawa ng mga gawa-gawang kwento upang maghasik ng kalituhan at kawalan ng tiwala sa pamahalaan.
Sinabi ni Gomez na walang itatangi at walang sasantuhin. Hahabulin nila ang mga nasa likod ng mga paninira at pananagutin sila sa harap ng batas.
Ang babala ay kasunod ng mga nakitang posts sa social media na nagpapakalat ng maling ulat tungkol sa estado ng kalusugan ng Pangulo at mga usaping kinasasangkutan ng Unang Pamilya.
Binigyang-diin ng kalihim na ang mga ganitong uri ng disinformation ay hindi lamang personal na pag-atake kundi batsa sa katatagan ng bansa.
Sa kasalukuyan, aktibo nang gumagalaw ang PCO Anti-Fake-News Desk, katuwang ang Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI), upang tukuyin ang mga source at peddlers ng mga nasabing impormasyon.
















