-- Advertisements --

Tinamaan ng serye ng airstrikes ang Kharg Island sa Persian Gulf, ilang oras bago ang itinakdang deadline ni U.S. President Donald Trump para sa Iran na muling buksan ang Strait of Hormuz.

Ayon sa ulat ng Iranian media, malalakas na pagsabog ang narinig sa isla na pangunahing terminal ng langis ng bansa, kung saan dumadaan ang halos lahat ng oil exports ng Iran.

Inilarawan dito ang mga pag-atake bilang coordinated strikes mula sa tinawag nilang “American-Zionist enemy.”

Makapal na usok ang nakita mula sa isla, na matagal nang itinuturing na “crown jewel” ng oil infrastructure ng Iran.

Kasabay nito, iniulat ng Israeli military na nakumpleto nila ang malawakang operasyon laban sa iba’t ibang “infrastructure sites” sa Iran.

Kabilang sa mga tinamaan ang isang tulay malapit sa Qom at isang railway bridge sa Kashan, kung saan dalawa ang nasawi at tatlo ang sugatan.

Matatandaang noong Marso, sinabi ni Trump na “totally obliterated” na ng U.S. forces ang mga military targets sa Kharg Island, ngunit pinili niyang huwag muna sirain ang oil facilities.

Ang bagong pag-atake ay nakikitang malaking escalation na posibleng magdulot ng pagkagambala sa pandaigdigang suplay ng langis at magpalala sa kasalukuyang krisis sa Middle East.