Pinuri ng defense team mula sa Pilipinas ang naging handling ng lead counsel ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC, si Nicholas Kaufman.
Ayon kay Atty. Alfredo Lim Jr., malinaw ang mga argumento ni Kaufman at ramdam ang kanyang sinseridad at pagiging tapat sa mga pahayag ukol sa dating presidente.
Para kay Lim, ito ang mahalaga sa kaso ni Duterte upang malaman ng mga hukom ng ICC na inosente ang inaakusahan sa mabibigat na paratang ng crimes against humanity.
Samantala, para kay dating Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo, tiwala silang malakas ang laban ni Duterte dahil pinupulitika lamang ito ng mga katunggali ng dating pangulo.
Giit niya, tinik sa lalamunan ng kasalukuyang administrasyon ang mga Duterte kaya’t pinipilit silang pahinain, gaya ng mga hakbang laban sa dating pangulo na ngayo’y nakabilanggo sa ICC.
Sa panig naman ni dating Labor Secretary Silvestre “Bebot” Bello III, mahihirapan ang prosekusyon na patunayan ang mga alegasyon laban kay Duterte.
Para sa dating kalihim, madaling mag-akusa ng pagpatay, ngunit ang pagpapatunay ng alegasyon ay nangangailangan ng masusing proseso.
Lalo na kung walang direktang ebidensya laban sa inaakusahan, mauuwi lamang sa pagbasura ang mabibigat na paratang.















