Iminumungkahi ng isang congressional leader na si Cavite Rep. Francisco “Kiko” Barzaga na ma-expel mula sa Kamara dahil sa umano’y “paulit-ulit” at hindi tamang asal na itinuturing sa isang mambabatas.
Ayon kay Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette Garin, hindi na umano sapat ang mga naunang parusa kay Barzaga, kabilang ang dalawang 60-day suspension, dahil patuloy pa rin ang kanyang mga kilos at pahayag na nakaaapekto sa trabaho ng lehislatura.
Dagdag pa ni Garin, may mga pagkakataon umano na nagiging magulo at hindi maayos ang pakikilahok ng mambabatas sa mga sesyon.
Si Barzaga, 27-anyos na baguhang kongresista, ay naging kontrobersyal dahil sa kanyang mga pahayag sa social media kung saan tinawag umano niya ang Kamara bilang “institution of failures and thieves” at “embarrassment to our nation.”
Iginiit din nito ang mga alegasyon ng umano’y suhol kaugnay ng speakership bid ni Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, bagay na naging dahilan ng kanyang ikalawang suspensyon noong Pebrero.
Bukod dito hindi rin umano dumadalo si Barzaga sa ilang pagdinig ng ethics committee. Sa panig naman ng ilang opisyal, binanggit na sa tradisyon ng Kongreso, ang sunod-sunod na suspensyon ay maaaring mauwi sa mas mabigat na parusa, kabilang ang posibleng pagpapatalsik.
May mga ulat din na inirekomenda na ng ethics committee ang expulsion kay Barzaga, bagama’t hindi pa ito pormal na kinukumpirma dahil sa pagiging confidential ng mga proseso sa loob ng komite.
Sa kabila nito, wala pang opisyal na pinal na desisyon ang Kamara, at kinakailangan pa itong dumaan sa tamang proseso bago tuluyang maisakatuparan ang anumang parusa.
Sinusubukan pa ng Bombo Radyo Philippines na makuha ang panig ni Rep. Barzaga hinggil dito.














