-- Advertisements --

Target ng Department of Health (DOH) na mag-deploy ng 24,381 health professionals sa mga probinsya at local government units sa buong bansa sa 2027.

Inihayag ni Health Secretary Edwin Mercado ang plano sa pagdinig ng Senate Committee on Finance sa panukalang budget ng DOH nitong Biyernes.

Ayon kay Mercado, kabilang sa mga ide-deploy ang mga doktor, nurse, radiologic technologist, at medical technologist upang dagdagan ang health personnel sa mga lugar na nangangailangan ng karagdagang serbisyo.

Gayunman, sinabi ni Mercado na hindi agad matutugunan ang kabuuang kakulangan ng health professionals sa bansa. Sa kasalukuyang bilis ng produksyon ng health workers, tinatayang aabutin pa ng pitong taon bago maabot ang target ratio ng DOH, dahil isinasaalang-alang din ang paglaki ng populasyon at pag-alis ng mga health worker sa serbisyo.

Bilang pansamantalang hakbang, pinag-aaralan din ng DOH ang task shifting, kung saan maaaring ipagawa sa ibang kwalipikadong health workers ang ilang tungkuling karaniwang ginagawa ng mas specialized na personnel.

Samantala, hiniling ni Senador Joel Villanueva sa DOH na tiyaking sapat ang pondo hindi lamang para sa pagkuha at deployment ng health workers, kundi pati sa kanilang training at pagpapanatili sa serbisyo.