-- Advertisements --

Nanawagan ang ilang medical personnel at empleyado mula sa mga pampublikong ospital sa Ilocos Region, Cagayan Valley, at Cordillera para sa masusing imbestigasyon kaugnay ng umano’y iregularidad sa appointments, infrastructure projects, at procurement activities sa ilang ospital sa Northern Luzon.

Batay sa impormasyong ibinahagi ng ilang source na nagpakilalang doctors, nurses, at administrative personnel, may umiiral umano umanong “network of influence” sa loob ng Department of Health (DOH) na nakaaapekto sa pagpili ng ilang opisyal at sa implementasyon ng ilang proyekto sa mga regional hospital.

Ayon sa mga complainant, kabilang sa mga isyung nais nilang masuri ay ang proseso ng pagtalaga ng mga officer-in-charge at medical chief sa ilang ospital, pati na rin ang procurement at infrastructure activities na isinasagawa sa mga pasilidad.

Binanggit din ng ilang source ang umano’y malaking impluwensya ng ilang opisyal sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program (HFEP) at Promotion and Selection Board ng DOH, bagaman wala silang inilabas na dokumentong nagpapatunay sa alegasyon.

Kabilang sa mga nabanggit sa reklamo ang ilang proyekto at procurement activities sa Ilocos Regional Medical Center at Baguio General Hospital and Medical Center (BGHMC), na nais umanong ma-audit at masuri ng mga kinauukulang ahensya.

May ilang empleyado ring nagpahayag ng pangamba sa patuloy na paglalaan ng pondo para sa infrastructure projects sa BGHMC, kabilang ang umano’y P200 milyong pondo sa ilalim ng HFEP, at nanawagang magkaroon ng masusing pagsusuri sa paggamit ng mga pondo ng ospital.

Hiniling din ng ilang health worker ang pagsasagawa ng financial at administrative audit, gayundin ng lifestyle checks, sa mga opisyal na inuugnay sa mga alegasyon upang malinawan umano ang mga isyung ibinabato laban sa kanila.

Kasama rin sa panawagan ang pagsusuri sa umano’y ugnayan ng ilang opisyal at pamunuan ng iba pang regional hospital sa Northern Luzon kaugnay ng procurement at administrative decisions.

Dahil dito, nananawagan ang ilang complainant kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong at sa iba pang kinauukulang ahensya na magsagawa ng independiyenteng imbestigasyon upang matiyak ang transparency at accountability sa mga pampublikong ospital.

Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag ang Department of Health hinggil sa mga alegasyon.