Tahasang tinutulan ni Department of National Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. ang pagpuri ni Sen. Robin Padilla kay Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan, sa gitna ng umiigting na tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China.
Kinuwestiyon ni Teodoro ang naging positibong paglalarawan ni Padilla sa Chinese envoy, matapos silang magkita sa isang business summit.
Ayon sa kalihim, hindi nararapat na purihin ang ambassador sa kabila ng mga naging pahayag nito, na may kinalaman sa sigalot sa West Philippine Sea. Binigyang-diin din niya na dapat isaalang-alang ang pambansang interes sa pakikitungo sa mga opisyal ng ibang bansa.
Matatandaang inilarawan ni Padilla si Jing bilang edukado, maginoo at diretsong kausap matapos ang kanilang personal na pag-uusap sa ASEAN-Chinese Business Leaders Summit.
Giit ng senador, mas mainam umano ang harapang pag-uusap upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan at mapanatili ang kapayapaan.
Maaalalang naging sentro ng kontrobersiya ang mga naunang pahayag ni Jing matapos niyang sabihin na madaling mananalo ang China sakaling gumamit ito ng puwersa laban sa Pilipinas, bagama’t sinabi rin niyang nais ng kanyang bansa na mapanatili ang kapayapaan.
Itinuring ng pamahalaang Pilipinas na tila pagbabanta ang naturang pahayag, dahilan upang ipatawag ng Department of Foreign Affairs ang Chinese ambassador at ipahayag ang matinding pagtutol ng bansa.
Sa kabila ng magkakaibang pananaw ng mga opisyal ng Pilipinas sa naging pahayag ng diplomat, nananatiling sensitibo ang ugnayan ng Pilipinas at China, lalo na sa usapin ng West Philippine Sea.









