-- Advertisements --

Hihilingin ng kampo ng pamilya ng yumaong Ateneo basketball player na si Rene Baterbonia sa Department of Justice (DOJ) na maglabas ng Immigration Lookout Bulletin Order laban sa head coach ng Ateneo Blue Eagles na si Tab Baldwin.

Ayon sa abogado ng pamilya na si Atty. Israelito Torreon, layunin ng kahilingan na matiyak na magpapatuloy nang maayos ang imbestigasyon kaugnay ng pagkamatay ng dalawang manlalaro.

Nilinaw naman ng abogado na sa ngayon ay wala pa silang direktang inaakusahan na may pananagutan si Baldwin.

Matatandaang nasawi sina Rene Baterbonia at Divine Adili matapos malunod sa karagatan ng Dipaculao, Aurora noong Lunes habang nagsasagawa ng team-building activity ang koponan.

Samantala, dumalo naman sa burol ni Baterbonia ang kanyang mga kasamahan sa Ateneo Blue Eagles. Nakiramay rin ang mga opisyal mula sa Commission on Higher Education, Department of Education, at Philippine Sports Commission.

Inaasahang iuuwi sa Agusan del Sur ang labi ni Baterbonia ngayong Huwebes.

Kasabay nito, inatasan na ng Department of Justice ang National Bureau of Investigation na bumuo ng isang task force upang magsagawa ng masusing, komprehensibo, at patas na imbestigasyon sa insidente.

Layunin ng imbestigasyon na matukoy kung may sapat na batayan upang magsampa ng anumang kaso kaugnay sa pagkamatay ng dalawang atleta.

Sa paunang imbestigasyon naman ng pulisya sa Aurora, wala pang nakikitang indikasyon ng foul play sa insidente.

Ayon sa mga affidavit ng lifeguard at mga responder, walang nakitang pabigat sa katawan ng mga biktima at wala ring nakitang mga pasa o sugat habang binibigyan sila ng paunang lunas.

Lumabas din sa imbestigasyon na isinagawa ang team-building activity may humigit-kumulang 300 metro mula sa dalampasigan, sa kabila ng payo ng resort management na manatili lamang sa mababaw na bahagi ng dagat sa harap ng resort.

Ayon sa pulisya, hiniling umano ng grupo na huwag silang pakialaman habang isinasagawa ang kanilang aktibidad.