-- Advertisements --

Ipinagkaloob na ng National Housing Authority (NHA) ang condominium unit na nagkakahalaga ng P2.266 million sa pamilya ng yumaong student-athlete na si Rene Clert “Bobet” Baterbonia, ilang linggo matapos ang kaniyang pagpanaw.

Ayon sa Provincial Government of Agusan del Sur (PGAS), mahigit dalawang dekada umanong nanirahan ang pamilya sa kanilang simpleng ancestral home na madalas bahain tuwing may malalakas na pag-ulan.

Dahil dito, napipilitan silang lumikas sa tuwing tumataas ang tubig sa kanilang lugar.

Sa kabila ng kanilang kalagayan, hindi umano nawalan ng pag-asa si Bobet na balang araw ay mabibigyan niya ng mas ligtas at mas maayos na tahanan ang kaniyang pamilya.

Madalas din umano niya itong ipinapangako sa kaniyang ina.

Ngayon, kahit wala na siya, natupad ang isa sa kaniyang pinakamalaking pangarap.

Inaasahang magsisilbing mas ligtas at mas matatag na tahanan ang condominium unit para sa pamilya Baterbonia matapos ang mahabang panahong paninirahan sa isang lugar na madalas bahain.

Bagama’t hindi kailanman mapapalitan ng anumang materyal na bagay ang pagkawala ng isang mahal sa buhay, sinabi ng PGAS na ang naturang tulong ay sumisimbolo sa malasakit at pagkakaisa ng komunidad bilang paggunita sa alaala ni Bobet.

Patuloy rin ang pagbuhos ng suporta para sa naulilang pamilya ng batang atleta.

Kamakailan lamang ay nakatanggap si Rovelyn Baterbonia at ang kaniyang mga anak ng mga money bouquet mula sa isang lokal na flower shop sa Talacogon bilang pakikiramay at suporta.

Nagpasalamat naman si Rovelyn sa naturang flower shop, hindi lamang sa ipinadalang tulong kundi maging sa patuloy nitong pag-alala sa kaniyang anak.

Ayon sa kaniya, araw-araw na naglalagay ng sariwang bulaklak sa puntod ni Bobet ang naturang tindahan mula nang mailibing ito noong Miyerkules, Hunyo 24.

Matatandaang nasawi si Bobet kasama ang Nigerian national na si Divine Adili noong Hunyo 8 matapos umano silang malunod habang nagsasagawa ng team-building activity.