Naghain si Senator Robin Padilla ng resolusyon sa Senado upang bigyang-pugay ang buhay, legasiya, at natatanging ambag sa Philippine sports ng yumaong Ateneo Blue Eagles student-athlete na si Rene Clert “Bobet” Baterbonia.
Sa ilalim ng Senate Resolution No. 472, kinilala ni Padilla ang dedikasyon, husay, at pagiging inspirasyon ni Baterbonia sa mga kabataang Pilipino, gayundin ang kanyang pagmamahal sa pamilya at bayan.
Ayon sa resolusyon, matagal nang kinikilala ng Senado ang mga atletang Pilipino na nagbigay karangalan sa bansa sa pamamagitan ng kanilang tagumpay at sakripisyo sa larangan ng palakasan.
Inilarawan si Baterbonia bilang isang masipag, disiplinado, at masigasig na student-athlete na nakapag-iwan ng marka sa sports dahil sa kanyang kahusayan sa mga kompetisyon sa loob at labas ng bansa.
Nakasaad din sa resolusyon na nagmula si Baterbonia sa Agusan del Sur at nagsikap upang mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang kanyang pamilya.
Sa pamamagitan ng kanyang determinasyon, talento, at disiplina, nakamit niya ang athletic scholarship na naging daan upang maabot ang kanyang mga pangarap bilang atleta.
Binigyang-diin ng senador na sa pagiging kinatawan ni Baterbonia ng kanyang paaralan at bansa, naipakita niya ang tunay na diwa ng isang atletang Pilipino—may disiplina, tiyaga, pagmamahal sa bayan, at paghahangad ng kahusayan.
Bagama’t isang malaking pagkawala para sa kanyang pamilya, mga kaibigan, paaralan, at buong komunidad ng sports ang maagang pagpanaw ni Baterbonia, sinabi ni Padilla na mananatiling buhay ang kanyang mga aral at inspirasyon sa puso ng maraming Pilipino.
Liban dito nauna nang nagpaabot ng tulong ang ilang opisyal at ahensya ng pamahalaan sa pamilya Baterbonia, kabilang ang National Housing Authority (NHA) na nagkaloob ng condominium unit bilang housing assistance matapos ang pagpanaw ng atleta.
Si Baterbonia at ang Nigerian national na si Divine Adili, na kapwa miyembro ng Ateneo Men’s Basketball Team, ay nasawi matapos malunod habang isinasagawa ang team-building activity ng koponan sa Dipaculao, Aurora noong Hunyo 8, 2026.
















