-- Advertisements --

Humarap ngayong Martes, Hunyo 23, sa National Bureau of Investigation (NBI) ang dating head coach ng Ateneo men’s basketball team na si Tab Baldwin kaugnay ng imbestigasyon sa pagkamatay ng dalawang student-athlete na sina Rene Baterbonia at Divine Adili.

Kasama ang kanyang mga abogado, nagbigay ng pahayag si Baldwin sa mga imbestigador upang makatulong sa paglilinaw ng mga pangyayari sa trahedya.

Matatandaang nasawi sina Baterbonia at Adili sa isang insidente ng pagkalunod habang isinasagawa ang team-building activity ng kanilang koponan sa Dipaculao, Aurora noong Hunyo 8.

Bago ito, dumalo na rin si Baldwin sa hiwalay na imbestigasyon na isinagawa ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Samantala, humingi na ng paumanhin si Baldwin sa mga pamilya ng mga nasawing atleta.

Ngunit ayon sa ina ni Rene Baterbonia, hindi sapat ang paghingi ng tawad at nais nilang magkaroon ng pananagutan ang sinumang mapatutunayang may pagkukulang sa nangyaring trahedya.

Kasunod ng insidente, nagbitiw na rin sa kanilang mga posisyon sina Baldwin at dating team manager na si Epok Quimpo.