-- Advertisements --

Ligtas na nakabalik sa Pilipinas ang walong overseas Filipino workers na mula sa Yakutsk, Russia ngayong Miyerkules, September 2.

Dumating sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 sa Pasay City ang walong OFW sakay ng Air China flight mula Beijing.

Bago makauwi sa Pilipinas, binisita muna ng Philippine Embassy sa Moscow ang kanilang kalagayan sa Detention Center sa Yakutsk noong August 31. Ipinagkaloob naman ng Russian Government ang kanilang return tickets upang makauwi sa bansa.

Agad naman binigyang pansin ng OWWA ang walong overseas Filipino workers para sa kanilang post-repatriation assistance, kasama na ang airport assistance, pansamantalang matutuluyan, transportasyon at pamasahe pauwi sa kani-kanilang probinsya, pati na rin ang kinakailangang financial assistance.

Maayos naman ang naging pagbabalik bansa ng mga Pilipino dahil sa koordinasyon ng OWWA, Department of Migrant Workers (DMW), Philippine Embassy in Moscow, at Migrant Workers Office–OWWA Berlin.