Ikinababahala ng iba’t ibang sektor ng agrikultura ang maagang pinsala ng El Niño sa bansa, kung saan umabot na sa humigit-kumulang 6.87 bilyong piso ang danyos sa pagsisimula pa lamang ng matinding tag-tuyot.
Sa kasalukuyan, tinatayang nasa 223,000 na mga magsasaka at mahigit 240,000 ektarya ng lupang sakahan na ang direktang naapektuhan. Pinakamatinding tinamaan ang sektor ng mais na may naitalang 4.9 bilyong pisong danyos, habang nasa 1.5 bilyon naman ang nawala sa sektor ng palay.
Ayon kay Argel Cabatbat, MAGSASAKA Party-list Representative ang krisis na ito ay magdudulot ng mapanganib na “domino effect” sa buong ekonomiya. Kapag tuluyang bumagsak ang kabuhayan ng mga magsasaka, maaapektuhan din ang suplay at presyo ng mga karne ng baboy, manok, baka, at kambing dahil sa kawalan ng pagkain at tubig para sa mga livestock.
Dahil dito, pangamba nila na mawawalan din ng kita ang mga maliliit na negosyante at nagtitinda sa merkado dahil wala nang pambili ang mga mamimili, na posibleng humantong pa sa mas malaking krisis pinansyal o recession.
Bilang solusyon, iginigiit nito ang pangangailangang maprotektahan ang mga sakahan, maglaan ng sapat na suplay ng tubig, at agarang ilipat ang pokus sa pagtatanim ng mga drought-resistant crops.
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng kanilang panig sa mga miyembro nito upang hikayatin silang lumipat muna sa mga alternatibong pananim tulad ng ube at cassava. Aniya, ang mga ito ay hindi gaanong maselan sa tubig at mas mababa ang pangangailangan sa mahal na abono o pataba.
Lalo na umano na napakahirap itulak ang pagtatanim ng palay sa ngayon dahil bukod sa kawalan ng patubig, napakamahal din ng diesel para sa mga water pump, gayundin ang gastusin sa fertilizers at pesticides.
Panawagan nila sa pamahalaan na magpatupad ng mga pangmatagalang programa at mabilis na aksyon upang hindi tuluyang mamatay ang produksyon ng pagkain at maagapan ang inaasahang mabigat na epekto nito sa buong bansa.














