Inatasan ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. ang DA Inspectorate and Enforcement Office at Bureau of Plant Industry (BPI) na imbestigahan ang umano’y pagpupuslit ng carrots at broccoli na nakakaapekto sa kabuhayan ng mga lokal na magsasaka sa Cordillera.
Kasunod ito ng monitoring operations sa Baguio City at La Trinidad, Benguet, kung saan natuklasan ang mga ibinebentang imported na broccoli na may markang “Product of China” mula sa isang supplier sa Divisoria.
Ayon sa mga ulat, nahihirapang maibenta ng mga magsasaka ang kanilang mga ani dahil mas pinipili ng ilang mamimili ang mas murang imported na gulay na nagkakahalaga ng hanggang P250 kada kilo.
Mariing binalaan ng DA na kung mapatunayang nilabag ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Law, pananagutan at mapaparusahan ang mga nasa likod ng naturang iligal na gawain.
Bilang bahagi ng imbestigasyon, kumuha na ang BPI ng mga sample ng gulay para suriin kung may presensya ng formalin o mabibigat na metal para matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Iminungkahi rin ang pakikipagtulungan sa DILG at DTI para sa mas mahigpit na inspeksyon sa mga pamilihan sa Metro Manila at kalapit na mga rehiyon upang maprotektahan ang mga lokal na magsasaka.















