-- Advertisements --

Dinepensa ng House of Representatives (HOR) ang paglilipat ng ilang pondo sa ilalim ng panukalang 2027 national budget, dahil sa mabagal na paggastos ng ilang ahensiya.

Nabatid nasa P15.33 bilyong pondong pangsakuna ang hindi nagamit at maaaring ilaan sa mga programang mas mabilis na maipatutupad.

Ayon kay Bataan 2nd District Rep. Albert Garcia, senior vice chair ng House Committee on Appropriations, natukoy ng mga mambabatas sa mga pagdinig ang mga programang mabagal ang implementasyon at may natitirang pondo.

Sinabi niyang inilipat ang ilang pondo sa mga prayoridad na programa upang maiwasang manatiling nakatengga ang pera ng bayan habang inaayos ng mga ahensiya ang kanilang sistema sa pagpapatupad ng mga proyekto.

Binigyang-diin ni Garcia na mga piling programa lamang ang apektado ng mga pagbabago at hindi ang kabuuang badyet ng isang ahensiya.

Samantala, binanggit ni FPJ Panday Bayanihan Party-list Rep. Brian Poe ang P15.33 billion ang hindi nagamit na pondo ng Disaster Rehabilitation and Reconstruction Assistance Program sa ilalim ng National Disaster Risk Reduction and Management Fund, batay sa tala noong Hunyo 30, 2026.

Ayon kay Poe, naging batayan ito ng panukalang amyenda upang dagdagan ang quick response funds ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Agriculture (DA).

Ipinaliwanag ni Poe na nananatili ang layunin ng pondo para sa pagtugon sa mga kalamidad, ngunit ililipat ito sa mga ahensiyang mas mabilis makapagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan.

Hinimok naman ni Poe ang mga senador at civil society organizations na tumulong sa pagsusuri kung ang mga programang mababa ang paggastos ay angkop na pagkukunan ng pondo para sa mas agarang pangangailangan.

Ginawa ang paglilinaw sa gitna ng mga katanungan hinggil sa P190 bilyong amyenda ng Kamara sa panukalang badyet.