BUTUAN CITY – Kinondena ng Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas (KBP)–Butuan City chapter ang pananaksak-pagpatay kay Gerry Campos, isang broadcaster na naging konsehal sa Marihatag, Surigao del Sur.
Kaugnay nito’y nanawagan ang grupo sa mga awtoridad na ipagpatuloy ang masusi at walang kinikilingang imbestigasyon upang mabilis na makamit ang hustisya sa sinapit niya.
Matatandaang pinagsasaksak siya noong Sabado ng umaga malapit sa isang gasolinahan sa Barangay Sta. Cruz, kung saan agad namang naaresto ng pulisya ang salarin.
Nalulungkot at mariing kinokondena ng KBP ang pangyayari na kumitil sa kanyang buhay at labis na nakaapekto sa kanyang pamilya, mga kaibigan, at maging sa media community.
Matatandaang nahalal siyang Sangguniang Bayan member ng Marihatag sa midterm elections ngayong taon, naging news writer ng Bombo Radyo Butuan, at nakapagtrabaho rin sa iba pang lokal na estasyon ng radyo.















