Nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa mga Pilipino na manatiling matatag at kumapit sa pananampalataya sa gitna ng mga pagsubok na kinakaharap ng bansa.
Sa kanyang mensahe sa ika-44 anibersaryo ng Mandaport Apostolic Pentecostals Church nitong Agosto 30, sinabi ni Cayetano na hindi maiiwasan ang mga unos sa buhay, ngunit malalampasan ang mga ito ng mga taong matatag ang pundasyon sa kanilang pananampalataya.
Kabilang aniya sa mga hamong kinakaharap ng mga Pilipino ang mga bagyo at pagbaha, gayundin ang kawalan ng trabaho, mababang sahod, pagtaas ng presyo ng mga bilihin at mataas na presyo ng gasolina.
Binigyang-diin din ni Cayetano na ang pananampalataya ay may kaakibat na pananagutan na maging mabuting halimbawa sa komunidad at itaguyod ang dignidad ng bawat tao, kahit may hindi pagkakasundo.
Bilang dating kalihim ng Department of Foreign Affairs, inihalintulad niya ang mga Kristiyano sa isang ambassador na kumakatawan sa bansang kanyang pinaglilingkuran at hindi lamang sa kanyang sarili.
Iniugnay rin ni Cayetano ang pananaw na ito sa paglaban sa korapsyon. Aniya, hindi ang mga taong sangkot sa katiwalian ang dapat ituring na personal na kalaban kundi ang mismong korapsyon.
Sa huli, hinikayat niya ang mga Pilipino na manatiling nakakapit sa kanilang pananampalataya upang malampasan ang anumang pagsubok na dumating.















