-- Advertisements --

Napanatili ng Pilipinas ang matatag na tiwala ng mga pandaigdigang credit rating agency matapos kumpirmahin ng Rating and Investment Information, Inc. (R&I) at Moody’s ang investment-grade ratings ng bansa na may parehong stable outlook.

Inihayag ng R&I ang pagpapanatili sa A− rating ng bansa noong Agosto 21, na sinundan naman ng Moody’s noong Agosto 24 sa pag-affirm nito sa Baa2 rating ng Pilipinas.

Ayon kay Executive Secretary Ralph G. Recto, ang dalawang affirmation na ito ay malinaw na boto ng kumpiyansa sa pamamahala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa pangkalahatang lakas ng ekonomiya ng bansa.

Dahil sa mataas na credit rating, mas mababa ang interes sa mga pautang na kukunin ng gobyerno at ng mga pribadong negosyo sa abroad.

Ang natitipid na pondo mula sa mas mababang bayad-interes ay ididirekta ng pamahalaan sa mga pampublikong pasilidad tulad ng mga ospital, paaralan, kalsada, at mga programang panlipunan para sa mamamayan.