-- Advertisements --

Naniniwala ang political science professor na si Prof. Antonio Contreras na makailang-beses nang lumabag si Sen. Robin Padilla sa mga panuntunan ng Senate Impeachment Court, tulad Rule 18 o ang sub judice rule.

Ayon kay Contreras, madalas at laging nilalabag ni Padilla ang Rule 18 sa loob ng ilang araw na pag-usad ng trial.

Inihalimbawa ng propesor ang ginawa ni Padilla kahapon (Aug. 27) kung saan labis na ‘out of line’ ang senador sa kaniyang linya ng pagtatanong, tulad ng sa paggamit ng mga alias ng mga bayani ng bansa at pagkukumpara ito sa paggamit ng alias ng mga tumanggap ng confidential funds.

Ang mga ito aniya ay dalawang magkaibang bagay na hinding-hindi maaaring ikumpara sa tamang konteksto.

Hindi aniya maintindihan kung gusto niyang magpaka-comic o tragic ngunit maraming pagkakataon na nagiging ‘theater of the absurd’ ang kaniyang interpellation.

Ayon kay Contreras, dapat nang tugunan ng impeachment court ang ganitong inaasal ng isang senator-judge.

Kailangan aniyang maging mas istrikto na si Sen. Chiz bilang presiding judge at huwag hayaang nagagamit ang oras ng korte sa ganitong insidente.

Maaari aniyang ideklara ng presiding officer ang isang senator-judge bilang ‘out of order’ kapag hindi na akma ang kaniyang ginagawa o sinasabi.