-- Advertisements --

Pinalalakas ng Department of Health (DOH) ang hospital referral system nito dahil sa posibleng pagdami ng kaso ng leptospirosis kasunod ng malawakang pagbaha dulot ng Habagat.

Ayon sa DOH, 33 government hospitals sa Metro Manila, Cordillera Administrative Region, at Regions I, II at III ang nagpatupad ng Leptospirosis Fast Lane o Express Lane para mas mabilis na maasikaso ang mga pasyenteng nangangailangan ng agarang gamutan.

Kabilang sa mga ospital ang San Lazaro Hospital, East Avenue Medical Center, Rizal Medical Center, Philippine Heart Center, National Kidney and Transplant Institute, Philippine Children’s Medical Center, at iba pang government hospitals sa mga nabanggit na rehiyon.

Kasabay nito, nagpapatupad din ang DOH ng surge capacity management upang matiyak ang sapat na hospital beds at suplay ng gamot, habang pinapalakas naman ang kanilang referral system para hindi magsiksikan ang mga pasyente sa iisang ospital.

Hanggang nitong Agosto 22, nakapagtala na ang DOH ng 4,285 kaso ng leptospirosis sa buong bansa.

Bagama’t mas mababa ito ng 37% kumpara sa 6,839 kaso na naitala sa kaparehong panahon noong 2025, kapansin-pansin naman ang pagtaas ng mga kaso nitong mga nakaraang linggo.

Mula Hulyo 26 hanggang Agosto 8 kasi, halos umabot sa 495 ang mga bagong kaso.

Pinakamaraming kaso ang naitala sa National Capital Region, Region II at Region III.

Nagbabala ang DOH na maaari pang madagdagan ang mga kaso dahil ang leptospirosis ay may incubation period na lima hanggang 15 araw, kaya maaaring hindi agad makita sa datos ang mga impeksiyong nakuha mula sa kamakailang exposure sa baha.