-- Advertisements --

Patuloy ang isinasagawang search, rescue, at retrieval operations ng mga awtoridad at iba’t ibang response teams para sa apat na indibidwal na nawawala matapos ang insidente ng pag-collapse ng bahagi ng Agana Bridge sa Tarlac City.

Naganap ang insidente bandang alas-7:40 ng gabi noong Agosto 29, kung saan inanod ng malakas na agos ng tubig ang isang Toyota Avanza na may limang sakay matapos ang pagbagsak ng bahagi ng tulay.

Ayon sa mga awtoridad, isa pa lamang sa limang sakay ng sasakyan ang nailigtas. Kinilala ang nakaligtas na si Nathaniel Dizon, na nailigtas ng rescue team matapos ang insidente.

Patuloy namang hinahanap ang apat na iba pang sakay na sina Paul Harvey Collado, James Patrick Taborlupa, Shiela Mae Taborlupa, at Shonen Tuhaw

Sa kasalukuyan, hindi pa ligtas na gamitin ang mga bangka at floating devices dahil sa kondisyon ng tubig. Ayon sa mga awtoridad, maaaring malagay sa panganib ang mismong mga rescuers kung ipipilit ang paggamit ng mga ito habang malakas at mabilis ang agos ng ilog.