-- Advertisements --

Nag-alok ng P100,000 pabuya ang Tarlac City para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na makatutulong sa paghahanap kay Paul Harvey Collado, ang natitirang nawawalang biktima sa insidente ng pagguho ng Agana Bridge sa Tarlac City.

Patuloy ang search and retrieval operations para kay Collado matapos siyang mawala nang mahulog sa Tarlac River ang sinasakyan nilang sasakyan kasunod ng pagguho ng bahagi ng Agana Bridge noong Agosto 29.

Ayon sa mga naunang ulat, limang katao ang sakay ng sasakyan nang mangyari ang insidente. Isa sa mga ito, si Nataniel Dizon, ang nakaligtas at nailigtas noong gabi ng insidente.

Tatlo naman sa mga unang iniulat na nawawala ang natagpuangn wala nang buhay sa magkakahiwalay na lugar sa Pangasinan. Kabilang dito sina James Patrick Taborlupa, Shanen Tuhao at Shiela Mae Taborlupa. Kinumpirma ni Mayor Yap ang pagkakakilanlan sa mga narekober na biktima.

Sa ngayon, si Collado na lamang ang patuloy na hinahanap ng mga awtoridad at rescue personnel. Pinalawak na rin ang search operations sa mga bahagi ng ilog at mga lugar na posibleng pinuntahan ng agos mula sa Tarlac River.

Nauna nang narekober ang sasakyang nahulog sa ilog matapos mamataan ang isang bahagi nito nang bahagyang bumaba ang lebel ng tubig. Gayunman, hindi nakita sa loob ng sasakyan si Collado.

Sa pamamagitan ng P100,000 pabuya, umaasa ang lokal na pamahalaan na mahihikayat ang publiko, partikular ang mga residente sa mga lugar na dinaanan ng Tarlac River at mga kalapit na lugar, na magbigay agad ng anumang impormasyon na maaaring makatulong sa paghahanap kay Collado.

Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan sa mga kinauukulang ahensya at rescue personnel upang mahanap ang huling nawawalang biktima.