-- Advertisements --

Tiniyak ng Malacañang na magkakaroon ng masusing pagsubaybay ang pambansang pamahalaan sa paggastos at paggamit ng Local Government Support Fund (LGSF) upang mapigilan ang anumang anyo ng pang-aabuso sa pondo ng bayan.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, hindi nagwawakas sa pamamahagi ng pondo ang responsibilidad ng pambansang gobyerno sa mga local government unit (LGU).

Nakalaan ang pondong ito para sa iba’t ibang proyektong pampubliko tulad ng imprastraktura, farm-to-market roads , water systems , mga pasilidad sa kalusugan, disaster resiliency , at tulong sa mga mahihirap na sektor.

Pumalo sa P57.8 bilyon ang pondong inilaan para sa LGSF ngayong taon, habang inirerekomenda itong itaas sa P58.53 bilyon sa darating na 2027.

Kabilang din sa makikinabang dito ang Bagong Pilipinas Rice Program na naglalayong magbigay ng 10 kilong libreng bigas kada dalawang buwan sa halos walong milyong pamilyang Pilipino.

Kasabay nito, inihayag din ni Executive Secretary Ralph Recto na inaasahang lalaki sa P1.4 trilyon ang National Tax Allotment sa 2027, kung saan P676.9 bilyon nito ay nakalaan para sa mga LGU sa Luzon.

Sinabi ni Castro na ang pagtataas sa LGSF ay direktang tugon sa mga pangangailangan at kahilingang ipinaabot ng mga lokal na pinuno kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.