Nanawagan si House Committee on Higher and Technical Education Chairman Jude Acidre sa Senado, sa pangunguna ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III, na agarang ipasa ang Bagong Balikbayan Act habang libo-libong overseas Filipino workers (OFWs) ang umuuwing muli sa bansa matapos ang holiday season.
Binigyang-diin ni Acidre, ang kahalagahan na maipasa agad ang panukala upang maisaayos at mapalakas ang mga programang tutulong sa muling pagpasok ng OFWs sa lokal na trabaho, negosyo, at pamayanan.
Ang panukala ay pangunahing inakda ni dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at naaprubahan na ng Kamara.
Ang House Bill No. 6643 o Bagong Balikbayan Act ay naglalayong pag-isahin ang mga reintegration services, palawakin ang tulong pangkabuhayan, at magbigay ng malinaw at tuloy-tuloy na suporta sa mga nagbabalik na migranteng manggagawa at kanilang pamilya.
Ipinunto ni Acidre na ang agarang aksyon ng Senado ay magpapakita na kinikilala ng Kongreso ang sakripisyo ng OFWs at handang tumbasan ito ng konkretong reporma. Aniya, maraming OFWs ang nananatiling walang trabaho o kulang sa hanapbuhay buwan matapos makauwi, sa kabila ng kanilang kasanayan at karanasan sa abroad.
Kabilang sa mga probisyon ng panukala ang pagsisimula ng reintegration assistance hanggang anim na buwan bago umuwi ang OFW, pagkakaroon ng regular na job fairs, pagkilala sa kasanayang nakuha sa ibang bansa, at pagtatatag ng digital platform para sa job matching, training, at iba pang serbisyo.
Naaprubahan ng Kamara ang panukala noong Disyembre 16, 2025 at naipadala sa Senado kinabukasan.
Ayon kay Acidre, ang maagap na pagpasa nito ay makatutulong sa agarang pangangailangan ng mga OFW at kanilang pamilya ngayong patuloy ang pagdami ng mga umuuwing manggagawa.










