-- Advertisements --

Tinanggap ni dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio ang hamon ni Sen. Rodante Marcoleta para sa isang pampublikong debate hinggil sa West Philippine Sea.

Ang paksa ng pagtatalo ay kung mayroong legal na West Philippine Sea at kung kabilang dito ang mga maritime features ng Kalayaan Island Group.

Nagsimula ang kontrobersya matapos ipahayag ni Marcoleta na maaaring “isuko” ng Pilipinas ang ilang bahagi ng KIG dahil umano’y hindi sakop ng Exclusive Economic Zone ng bansa.

Mariing tinutulan ito ng Philippine Coast Guard spokesperson Commodore Jay Tarriela, na nag-imbita pa kay Marcoleta na sumama sa isang Maritime Domain Awareness flight upang makita ang aktwal na sitwasyon.

Bukod kay Carpio, binanggit ni Marcoleta na nais din niyang makipagdebate kay Tarriela at kay Prof. Jay Batongbacal ng UP Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea.

Si Carpio ay kilalang tagapagtanggol ng karapatan ng Pilipinas sa WPS, lalo na matapos ang 2016 arbitral ruling na nagpawalang-bisa sa nine-dash line claim ng China.

Hangad ng ilang observers na ang debate ay magbibigay-linaw sa publiko tungkol sa legal na batayan ng WPS at sa kahalagahan ng pagpapanatili ng soberanya ng Pilipinas sa mga pinag-aagawang teritoryo.