Mariing itinanggi ni Sen. Imee Marcos na siya ang nasa likod ng umano’y tangkang pagpapatalsik kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III, at iginiit na huli na siyang nakaalam sa naturang plano.
Ayon kay Marcos, hindi siya nagpasimula ng anumang Senate coup at maaari umano itong patunayan nina Sen. Alan Cayetano at iba pang miyembro ng minority bloc. Nagpasalamat din siya kay Sotto sa pagtitiwala sa kanya bilang chair ng Senate Committee on Foreign Relations, kahit tradisyonal itong hawak ng mayorya.
Inamin ni Marcos na hindi siya nakaayon sa administrasyon ng kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., lalo na sa usapin ng foreign policy, kaya aniya ay naging mahirap itong ipagtanggol sa ibang bansa.
Aniya, nag-ugat ang isyu ng “coup” sa pangamba ng ilang senador na hindi na kayang ipagtanggol ng Senado ang mga miyembro nito, lalo na kaugnay ng imbestigasyon sa anomalous flood control projects. Hiniling din niya na huwag na siyang sisihin bilang umano’y “coup instigator.” (Report by Bombo Jai)
















