-- Advertisements --

Ipinagmalaki ni House Deputy Minority Leader at ML Partylist Rep. Leila de Lima na ang ikatlong impeachment complaint na inihain laban kay Vice President Sara Duterte ay isang “mas pinahusay” na bersyon ng mga artikulong ipinadala na noon sa Senado noong nakaraang Kongreso.

Ayon kay De Lima, sinuportahan niya ang reklamo matapos suriin ang nilalaman at mga kalakip na ebidensya, at kumpiyansa siyang papasa ito sa mga proseso sa Kamara. 

Kabilang sa mga ebidensya ang mga video ng umano’y banta laban sa Pangulo, Unang Ginang at dating Speaker Martin Romualdez, mga audit findings, liquidation vouchers, legislative records, at sinumpaang salaysay kaugnay ng umano’y pag-abuso sa confidential funds ng OVP at DepEd.

Inilahad din ni De Lima ang magiging daloy ng reklamo sa Kamara, mula sa transmittal ng Office of the Secretary General, paglalagay sa Order of Business, pagtalakay sa Rules Committee, hanggang sa pag-refer sa House Committee on Justice.

Ipinakilala ng abogado ng mga complainant ang grupo na binubuo ng mga pari, pastor, madre at civil society members, na iginiit na ang impeachment ay hindi lamang usaping konstitusyonal kundi moral. 

Ayon sa mga ito, layon ng proseso na mabigyan ang pangalawang Pangulo ng pagkakataong sagutin ang mga paratang at mailahad ng magkabilang panig ang kanilang ebidensya.