DAVAO CITY – Magpapatupad ang munisipalidad sa Jose Abad Santos, Davao Occidental ng “Sunday lockdown” na magsisimula sa Agosto 29 nitong taon.
Sa inilabas na Executive Order 21-014, Series of 2021, inutos ni Municipal Mayor Jason Joyce ang border lockdown s akanilang lungsod na ipapatupad bawat araw ng linggo.
Ayon pa kay Mayor Joyce, layunin ng lockdown na mapigilan ang paggalaw ng mga tao sa lungsod matapos makaranas ngayon ang lalawigan ng surge cases ng Covid-19.
Sinabi ng alkalde na kailangan nila makontrola ang Covid-19 cases sa Jose Abad Santos lalo na at nasa critical level ang occupancy sa Covid-19 beds ng Southern Philippines Medical Center o SPMC, na siyang unang Covid -19 referral hospital ng Davao Occidental.
Base sa huling datos mula Davao Occidental Provincial Health Office, nakapagtala nitong nakaraang araw ang Jose Abad Santos ng 185 na kaso ng Covid-19 kung saan 56 nito ang active cases.
Sa kabuuan, aabot na sa 1,666 ang kaso na naitala sa nasabing probinsiya kung saan 483 nito ang aktibo.
Nabatid na ang buong Davao Occidental, maliban sa Sta. Maria ang isinailalim ngayon sa general community quarantine with heightened restriction hanggang Agosto 31.
Samantalang ilang mga Sta. Maria ang una ng isinailalim sa enhanced community quarantine hanggang sa huling araw ngayong buwan ng Agosto.