-- Advertisements --

Umakyat na sa US$7.1 bilyon ang kabuuang net foreign direct investments (FDI) na pumasok sa Pilipinas mula Enero hanggang Nobyembre 2025.

Batay ito sa inilabas na datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), na nagpapakita ng matatag na kumpiyansa ng mga dayuhang negosyante sa ekonomiya ng bansa.

Para sa buwan lamang ng Nobyembre 2025, nakapagtala ang bansa ng net inflows na nagkakahalaga ng US$897 milyon.

Lumabas sa report na ang South Korea ang naging pangunahing pinagmulan ng pondo noong nasabing buwan, kung saan ang malaking bahagi ng kanilang puhunan ay ibinuhos sa manufacturing industry.

Sa kabuuang period naman ng unang labing-isang buwan ng taon, bukod sa South Korea, nanggaling ang bulto ng equity capital placements sa Japan, United States, at Singapore.

Ang mga pumasok na kapital ay pangunahing inilaan sa pagpapalago ng manufacturing, wholesale and retail trade, at real estate.

Ayon sa mga eksperto, ang patuloy na paglakas ng FDI ay krusyal sa pagpapabilis ng produksyon at pagbubukas ng mas maraming oportunidad sa trabaho sa bansa.