Iniulat ng Department of Health (DOH) na wala pang nadedetect sa Pilipinas na kaso ng COVID 19 variant NB.1.8.1 o kilala din sa tawag na Nimbus variant na nagdudulot ng pagsipa ng mga kaso sa Amerika at ilang mga bansa sa Southeast Asia.
Sa kabila nito, sinabi ni Health spokesperson Albert Domingo na patuloy ang isinasagawang sequence sa samples ng virus para matukoy ang presensiya ng variants.
Subalit sa ngayon aniya hindi pa naitatala sa bansa ang naturang variant na kasalukuyang under monitoring ng World Health Organization (WHO).
Ayon sa DOH official, ang Nimbus variant ay descendant ng Omicron variant na nagdudulot ng sore throat na inilarawang singsakit ng razor blade.
Ang sintomas aniya kapag dinapuan ng naturang variant ay pareho lang sa ibang variant ng COVID-19, maliban sa pananakit ng lalamunan ay lagnat at baradong ilong, subalit hindi aniya nagkakaroon ng malalang sintomas.
Samantala, nananatili naman aniyang protektado ang mga nabakunahang indibidwal laban sa lumilitaw na bagong variants dahil tumatalab pa rin ang tinatawag na T-cell mediated immunity.