Iniulat ng Department of Health (DOH) na 55 kaso pa lamang ng mpox ang naitala sa bansa mula Enero 4 hanggang Hunyo 13 ngayong taon.
Ayon kay DOH Spokesperson Dr. Albert Domingo, mas mababa ito ng 79 porsiyento kumpara sa 205 kaso na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Binigyang-diin ng DOH na walang outbreak o pagtaas ng bilang ng mga kaso ng mpox sa bansa sa kasalukuyan.
Dagdag pa ng ahensya, hindi nito isinasapubliko ang detalye ng bawat kaso upang maiwasan ang stigma at mapangalagaan ang privacy ng mga pasyente.
Sa halip, ang mga lokal na pamahalaan ang nagbibigay ng kaukulang abiso sa publiko tungkol sa mga kaso sa kanilang nasasakupan.
Ang pahayag ng DOH ay kasunod ng pagkumpirma ng Pamahalaang Lungsod ng Mandaluyong sa isang kaso ng mpox, kung saan agad na nagsagawa ng contact tracing at iba pang hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.














