Kinumpirma ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang tatlong bagong kaso ng COVID-19 batay sa pinakahuling ulat ng kanilang Water and Food-Borne Diseases, Influenza-Like Illnesses, Leptospirosis, at Dengue (W.I.L.D.) monitoring.
Dahil dito, umabot na sa 60 ang kabuuang kumpirmadong kaso ng COVID-19 na naitala sa lungsod mula Enero 1 hanggang sa kasalukuyang buwan.
Bukod sa COVID-19, nakapagtala rin ang city government ng tatlong bagong kaso ng dengue, dahilan upang umakyat ito sa 1,961 kabuuang bilang ng mga kaso ng naturang sakit sa Maynila ngayong taon.
Isang bagong kaso rin ng leptospirosis ang naitala noong Hulyo 16, na nagdala sa kabuuang bilang ng mga kaso nito sa 94 ngayong taon.
Samantala, wala namang naitalang bagong kaso ng iba pang W.I.L.D. diseases na isinasailalim sa araw-araw na monitoring ng pamahalaang lungsod.
Gayunpaman, nananatili ang kabuuang bilang ng mga kaso ng influenza-like illnesses (ILI) sa 773, severe acute respiratory infections (SARI) sa 240, typhoid fever sa 57, at tatlo sa cholera.
Kaugnay nito, muling pinaalalahanan ng Manila Health Department (MHD) ang publiko na patuloy na mag-ingat laban sa mga W.I.L.D. diseases, lalo na ngayong panahon ng tag-ulan.
















