-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Health (DOH) na nananatiling mababa ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa ngayong taon.

Sa isang statement, sinabi ng ahensiya na bumaba ng 70% ang dinadapuan ng sakit ngayong taon, kung saan mula sa 5,070 na kaso noong Enero 4 hanggaang Hulyo 11, 2025, bumaba ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa 1,532 sa parehong period ngayong taon.

Sa kabila naman ng mababang bilang ng kaso, patuloy na hinihimok ng DOH ang publiko na ipagpatuloy ang pagsasagawa ng simple subalit epektibong pangangalaga sa kalusugan para maiwasan ang hawaan ng virus at iba pang respiratory illnesses.

Nanawagan din ang ahensiya sa publiko na regular na maghugas ng kamay gamit ang sabon at malinis na tubig, takpan ang bibig kapag babahing o uubo at panatilihin ang malinis na hygiene para mapigilan ang hawaan ng sakit.

Pinapayuhan din ang mga indibidwal na may mga sintomas na magpa-konsulta sa pinakamalapit na health center o health-care facility at sundin ang kaukulang hakbang para maiwasan ang pagkalat ng impeksiyon.

Ginawa ng ahensiya ang pahayag sa gitna ng mga naitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa ilang lokal na pamahalaan sa Metro Manila, gaya ng Quezon City na nakapagtala ng pagsipa ng impeksiyon.

Sinabi naman ng Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines na walang dapat na ikaalarma dahil less severe ang kamakailang mga kaso.