Tiniyak ng Quezon City Health Office na walang dapat ikabahala sa tumataas na bilang ng COVID-19 cases sa lungsod, sa kabila ng naitalang pag-akyat ng mga kaso sa nakalipas na dalawang linggo.
Ayon sa City Epidemiology and Surveillance Division ng Quezon City Health Office, mula sa 23 kaso ay umakyat sa 84 ang kumpirmadong na-infect sa loob lamang ng dalawang linggo—katumbas ng higit 200% na pagtaas.
Umabot naman sa kabuuang 146 kaso ang naitala sa lungsod para sa taong 2026.
Ayon pa sa opisyal, ang pagtaas ng kaso ay dapat ituring bilang paalala sa publiko na patuloy na mag-ingat, dahil patuloy parin ang pag-kalat ng virus na SARS-CoV-2.
Naitala ang pinakamataas ang bilang ng kaso sa District 4 at District 1 ng Lungsod, ngunit nilinaw ng QC na hindi ito nangangahulugang may localized cluster outbreak sa mga lugar.
Karamihan din daw sa mga kasong naitala ay mild lamang, at posibleng mas marami pa ang may impeksiyon ngunit hindi pa natutukoy dahil hindi nagpapa-check-up.
Samantala, ipinapaalala ng mga eksperto na kasabay ng tag-ulan ay madalas ding tumataas ang mga influenza-like illnesses kaya mahalaga ang patuloy na pag-iingat tulad ng paghuhugas ng kamay at pagsusuot ng face mask kapag may sintomas.
















