-- Advertisements --

Nakapagtala ang Pamahalaang Lungsod ng Quezon City ng 146 na kaso ng COVID-19 hanggang noong Hulyo 1, ayon sa datos ng City Epidemiology and Surveillance Division (QCESD).

Sa report ng lokal na pamahalaan, tumaas ng mahigit 265% ang mga kaso sa loob lamang ng tatlong linggo. Mula sa 23 kaso na naitala noong Mayo 21 hanggang Hunyo 10, umakyat ito sa 84 kaso mula Hunyo 11 hanggang Hulyo 1.

Batay sa datos, pinakamaraming nahawa ay mga batang 14 taong gulang pababa, na bumubuo ng halos 30% ng kabuuang kaso. Sumunod ang mga edad 25 hanggang 29, at mga senior citizens na 60 pataas, na parehong nasa humigit-kumulang 16%.

Mas marami ring naitalang kaso sa mga kababaihan kumpara sa kalalakihan. Mayroon ding ilang healthcare workers na tinamaan ng virus.

Pinakamataas na kaso ay mula sa District 4 at District 1 ng lungsod. Sa mga barangay, nanguna ang Barangay Doña Imelda na may 11 kaso, habang ilang barangay gaya ng Culiat, Sauyo, Tandang Sora, at iba pa ay may tig-apat na kaso.

Patuloy na mino-monitor ng QCESD ang sitwasyon at hinihikayat ang mga residente na agad magpakonsulta kung may sintomas ng sakit sa paghinga o mahina ang resistensya.

Nagpaalala rin ang QC Health Department sa publiko na mag-ingat sa pamamagitan ng wastong pagtakip ng ubo at bahing, madalas na paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng mask kung may sakit, at pag-iwas sa matataong lugar kapag hindi maganda ang pakiramdam.