Aminado ang World Health Organization (WHO) na nananatiling marupok at hindi pantay ang progreso sa pandaigdigang kahandaan laban sa pandemya, lalo na’t patuloy na lumilihis ang pondo ng ilang bansa patungo sa depensa at seguridad.
Sa ika-anim na taon mula nang ideklara ang COVID-19 bilang global health emergency, iginiit ng WHO na may mga hakbang nang naisagawa gaya ng Pandemic Agreement noong 2025 at mga pagbabago sa International Health Regulations.
Itinatag din ang Pandemic Fund na nakapagbigay ng higit $1.2 bilyon para sa mga proyekto sa mahigit 90 bansa, kabilang ang pagpapalakas ng surveillance, laboratoryo, at workforce training.
Bukod dito, lumawak ang kakayahan sa genomic sequencing at naitatag ang mga sentro para sa paggawa ng bakuna at biomanufacturing upang masiguro ang patas na akses sa medisina.
Gayunpaman, binigyang-diin ni WHO Director-General Dr. Tedros Ghebreyesus na “solidarity is the best immunity” at nanawagan ng mas matibay na kooperasyon sa pandaigdigang antas.
Sa kabila ng mga natutunan mula sa COVID-19, iginiit ng WHO na ang tunay na kahandaan ay nangangailangan ng tuloy-tuloy na pagbabantay bago pa man sumiklab ang susunod na pandemya.
















