Direktang nanawagan si World Health Organization (WHO) Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus sa mga residente ng Tenerife, Spain na manatiling kalmado kaugnay ng pagdating ng cruise ship na MV Hondius na may kaso ng hantavirus.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Tedros na hindi dapat ikumpara ang sitwasyon sa COVID-19 pandemic sa hantavirus dahil mababa pa rin ang panganib nito sa publiko.
Aminado siyang seryoso ang Andes strain ng hantavirus matapos masawi ang tatlong pasahero, ngunit tiniyak niyang wala nang nagpapakita ng sintomas sa kasalukuyan sa mga sakay ng barko.
Ipinaliwanag ni Tedros na mahigpit ang plano ng Spain sa paglikas ng mga pasahero kung saan dadalhin ang mga ito sa industrial port ng Granadilla at direktang iuuwi sa kani-kanilang bansa nang hindi makakahalubilo ang publiko.
Pinasalamatan din niya ang Spain at ang mga residente ng Tenerife sa pagtanggap sa barko bilang bahagi ng international cooperation.
Ayon sa WHO Director, personal siyang pumunta sa Tenerife upang bantayan ang operasyon at magbigay-pugay sa ipinakitang malasakit at pakikiisa ng mga residente at otoridad sa lugar.
















