-- Advertisements --

Binuhay muli ng administrasyon ang pagsusulong sa kontrobersyal na Anti-Political Dynasty Act at ang reform sa Party-list system matapos itong isama sa listahan ng mga prayoridad na panukalang batas ngayong taon.

Batay sa ulat ng Department of Economy, Planning and Development (DEPDev), kabilang ang mga nabanggit na reporma sa pulitika sa 21 panukala na inaprubahan ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).

Maliban sa mga pagbabago sa sistema ng pulitika, binigyang-diin din ang pangangailangan na maipasa ang Anti-Fake News and Digital Disinformation Act.

Target ng batas na ito na maparusahan ang mga indibidwal na nasa likod ng pagpapakalat ng malisyoso at maling impormasyon na itinuturing na banta sa pambansang seguridad.

Samantala, magandang balita naman para sa mga biyahero ang isinusulong na pagbuwag o abolition ng travel tax.

Kasama rin sa napagkasunduang listahan ang pagpapaliban sa kauna-unahang Parliamentary Elections sa BARMM.

Nakapaloob din sa prayoridad ang pag-amyenda sa mga batas na poprotekta sa mga kabataan, partikular ang Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSEAC) at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act.

Ayon sa DEPDev, ang mga hakbang na ito ay krusyal upang maibalik ang tiwala ng publiko at masuportahan ang mga polisiya ng kasalukuyang administrasyon.