Tiniyak ng senado at Kamara na kanilany hahabulin ang pagpasa ng ilang priority bills ng administrasyon bago magtapos ang 19th Congress sa June 11.
Apat na priority bills ang napag-usapan sa LEDAC meeting kasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro ang nasabing priority bills ay ang sumusunod: National Government Rightsizing Program, Amendments to the Right-of-Way Act, Amendments to the Cooperative Code at ang Proposed National Disease Prevention and Management Authority.
Sa ikawalong pulong ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC), iniulat nina Senate Pres. Chiz Escudero at House Speaker Martin Romualdez na tatlumpu’t dalawa (32) mula sa animnapu’t apat (64) na legislative priorities ng 19th Congress ang napirmahan bilang batas ni Pang. Ferdinand Marcos, Jr.
Sa ngayon, hinihintay pa ng Kongresong mapirmahan ng pangulo ang panukalang Capital Markets Efficiency Promotion Act, na magtatapyas sa buwis ng mga stock transaction.
Pitong panukalang batas naman ang nakabinbin pa sa Bicameral Conference Commitee, habang apat ang nakasalang pa sa plenaryo ng Senado kabilang dito ang National Government Rightsizing Program, panukalang pagtatag ng National Disease Prevention and Management Authority, at mga amyenda sa Right-of-Way Act at Cooperative Code.
Sa panig ng Kamara, sinabi ni Romualdez na isa na lang mula sa dalawampu’t walong (28) top priority measures ng LEDAC ang kanilang kailangan ipasa matapos pirmahan ng pangulo ang labindalawang panukalang batas, habang anim ang nasa level pa ng Bicam, at walo ang iniakyat na sa Senado.