Atty Kapunan, nanawagang manatiling safe space ang senado matapos ang ‘pa-cute’ remark ni Sen-judge raffy tulfo
Hinimok ni House prosecution Counsel Atty Lorna Kapunan ang Senado na manatiling safe space para sa kababaihan, kasunod ng komento ni Senador Raffy Tulfo na may isang abogado umanong “Pa-cute” habang nagtatanong sa isang testigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Kapunan, maaaring misstatement lamang ang naging pahayag ni Tulfo, ngunit pinaalala niyang ang Senado mismo ang nagpasa ng safe spaces act o bawal bastos law.
Binigyang-diin ni kapunan na dapat manatiling ligtas ang senado para sa mga babaeng abogado at iba pang kababaihang kalahok sa mga pagdinig, kabilang na rin ang mga senior citizen.
Ang Republic Act 11313 o safe spaces act ay naglalayong tugunan ang gender-based sexual harassment sa mga pampublikong lugar, online platforms, workplaces at educational institutions.
Noong Enero 2025, inaprubahan naman ng senado sa ikatlong pagbasa ang isang panukalang batas para palakasin ang naturang batas.
Kung matatandaan, pinuna ni Sen-judge Raffy Tulfo ang prosecution panel dahil sa umano’y pagtatanghal ng mga testigong hindi kinakailangan at sa paraan ng pagtatanong ng ilang abogado.
Hinimok niya ang prosecution na tiyaking may mahalagang impormasyong maibabahagi ang bawat testigo at huwag gawing parang “Courtroom drama” o variety show ang impeachment proceedings.
















