-- Advertisements --

Walang ipapatupad na pagbabago sa health protocols sa ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 28.

Ito ay sa kabila ng panibagong bugso ng COVID-19 infections sa ilang mga bansa sa Asya.

Ayon kay House Secretary General Reginald Velasco, bumaba na sa kabuuan ang mga kaso ng COVID-19 sa Pilipinas sa nakalipas na limang buwan o mula Enero hanggang Mayo ng kasalukuyang taon kumpara sa parehong panahon noong 2024 gayundin sa nakalipas na tatlo hanggang apat na linggo.

Sa kabila nito, patuloy pa rin ang masusing monitoring ng House Medical team sa sitwasyon sa kalusugan sa loob at labas ng ating bansa at magi-isyu ng adjustment kung kinakailangan.

Binanggit din ng House official ang laging paalala ni Department of Health Secretary Ted Herbosa sa kahalagahan ng pagsasagawa ng basic health measures gaya ng pagsusuot ng face masks kapag kailangan, madalas na paghuhugas ng kamay at pagpapalakas ng immunity lalo na sa pabagu-bagong lagay ng panahon na maaaring makaapekto sa kalusugan.