Nilinaw ng Department of Health (DOH) na walang bagong virus na kumakalat sa bansa sa kabila ng pagdami ng kaso ng influenza-like illnesses (ILI) ngayong flu season.
Batay sa datos ng kagawaran, ang nangungunang tatlong sanhi ng influenza-like illnesses (ILI) ay ang Influenza A, Rhinovirus, at Enterovirus, habang ang SARS-CoV-2 o COVID-19 virus ay nasa ika-sampung puwesto lamang, na bumubuo ng isang porsyento ng mga kaso.
Sa isang statement, binigyang diin din ng ahensiya na may kapangyarihan ang local government units (LGUs) sa ilalim ng Republic Act No. 11332 na magpatupad ng mga kaukulang health measures batay sa sitwasyon sa kanilang mga nasasakupan.
Ito ay matapos magpatupad ang pamahalaang panlalawigan ng Quezon nitong Linggo ng mandatoryong pagsusuot ng face mask sa indoor at outdoor settings na walang physical distancing dahil sa tumataas na kaso ng mga sakit sa lugar.
Kung ipapatupad din ba ang parehong hakbang sa Metro Manila, ipinaliwanag ng DOH na ang kanilang mga rekomendasyon ay nakabatay sa datos at ebidensiya.
Giit pa ng kagawaran, panahon ngayon ng trangkaso, kaya mahalagang ipatupad ang mga basic health practices tulad ng madalas na paghuhugas ng kamay,pagsusuot ng face mask kapag may sintomas o para sa sariling proteksiyon, pagpapabakuna, pagtakip ng bibig kapag umuubo, pagkain ng masustansyang pagkain, pag-eehersisyo, pag-iwas sa paninigarilyo at vaping, pag-inom ng marami, at sapat na pahinga.
“DOH recommendations will always be based on data and evidence. Our advice remains the same: it is the flu season, and to help prevent spread, it is good public health practice to keep hands clean, wear face masks when with symptoms or to protect yourself, be vaccinated, cover coughs, eat healthy diets, exercise, avoid smoking/vaping and drinking, and have adequate rest. There is no unusual or new virus or strain circulating,” base sa Viber message na ipinadala ni DOH spokesperson ASec. Albert Domingo sa mga kawani ng media.
Samantala, sa pinakahuling tala ng DOH, umabot sa mahigit 133,000 kaso ng ILI ang naitala noong Setyembre, mas mababa kumpara sa 155,000 kaso sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
Una ng sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa, bagaman maraming nagkakasakit, ito ay dulot ng iba’t ibang uri ng virus at wala umanong outbreak mula sa iisang virus at walang dahilan para magdeklara ng lockdown, ngunit inirerekomenda ng DOH ang pagsusuot ng face mask o pananatili sa bahay kapag may sakit.