-- Advertisements --

Sinampahan ng kasong may kaugnayan sa korapsyon ang dating Education Minister na si Nadiem Makarim dahil sa umano’y irregularidad sa pag-bili ng mga laptop para sa mga paaralan noong panahon ng COVID-19, na nagdulot umano ng pagkalugi ng estado sa 2.1 trilyong rupiah ($125.64 milyon).

Si Makarim, ay nagsilbing education minister mula 2019 hanggang 2024 matapos bumaba bilang CEO ng Gojek, at inaakusahan na kumita ng 809 bilyong rupiah ($48.34 milyon).

Nagmula umano ang kita ni Makarim sa pagbili ng Chromebook laptops at Chrome OS software mula 2020 hanggang 2022.

Ayon sa prosecution, binili parin ng opisyal ang Chromebook laptops kahit na noong 2018 ay nasuri ng pamahalaan na hindi angkop ang device sa Indonesia, dahil sa kakulangan ng internet connectivity—isang malaking problema sa maraming liblib na lugar sa bansa.

Nakipagsabwatan din umano si Makarim noong 2020 kasama ang mga kinatawan ng Google Asia Pacific at Google Indonesia bago isagawa ang procurement.

Kung mapapatunayang nagkasala maaaring maharap ang dating opisyal sa maximum sentence na may 20-taon na pagkakakulong.

Samantala, itinanggi naman ni Makarim ang lahat ng alegasyon na ayon sa kanyang abogado mahina ang ebidensya laban sa dating opisyal at hihilingin aniya nila sa korte na ibasura ang kaso.

Napagalaman na naaresto si Makarim noong Setyembre, 2025 kasama ang ilang senior officials ng Department of Education ng Indonesia.