-- Advertisements --

Bumoto ng pabor ang mga miyembro ng World Health Organization (WHO) para sa pag-adopt ng global treaty para mapahusay pa ang kahandaan sa pandemiya kasabay ng pag-convene ng World Health Assembly.

Pumabor sa kasunduan ang 124 na bansa sa kabila ng pag-demand ng punong ministro ng Slovakia na may pagdududa sa COVID-19 vaccines, para hamunin ang adoption ng naturang kasunduan.

Wala namang tumutol dito habang 11 bansa ang nag-abstain kabilang ang Slovakia, Poland, Israel, Italy, Russia, at Iran.

Pormal na ia-adopt ang naturang kasunduan ngayong araw ng Martes, Mayo 20 sa plenary session sa World Health Assembly sa Geneva.

Subalit hindi naman agad na magiging epektibo ito hanggang sa mapagkasunduan ang annex sa pathogen sharing na inaasahang aabutin ng hanggang dalawang taon matapos na ratipikahan ng mga member states ang kasunduan.

Layunin ng kasunduan na matugunan ang inequities o hindi pagkakapantay-pantay sa drug at vaccine development, kasunod ng aral na natutunan nang tumama ang COVID-19 pandemic na kumitil sa milyun-milyong katao mula 2020 hanggang 2022.

Samantala, hindi naman saklaw ng kasunduan ang Amerika, ang pinakamalaking financier backer ng WHO, matapos kumalas ito sa ahensiya mula nang maupo si US President Donald Trump noong Enero.