-- Advertisements --

Naglabas ng Official Statement of Clarification ang Taipei Economic and Cultural Office (TECO) in the Philippines kaugnay ng mga ulat hinggil sa pag-aresto ng Pasay City Police Station sa tinaguriang “drum murder case.”

Ayon sa TECO, matapos lumabas sa ilang ulat na Taiwanese umano ang suspek, agad nilang isinagawa ang verification procedures.

Sa pagsusuri ng pasaporte na ipinakita ng suspek, nakumpirma ng opisina na ito ay isang forged Taiwanese passport.

Personal na bumisita ang isang TECO Officer upang magsagawa ng consular verification.

Sa panayam, nabigo ang suspek na magbigay ng valid Taiwan national identification number at umamin na siya ay isang Chinese national.

Inamin din ng suspek na nabili niya ang pekeng pasaporte sa pamamagitan ng Telegram application.

Binigyang-diin ng Gobyerno ng Taiwan na iginagalang nito ang judicial process ng Republika ng Pilipinas at patuloy na makikipagtulungan sa mga awtoridad sa bansa, lalo na sa mga kasong may kinalaman sa document fraud at transnational crime.

Pinuri rin ng TECO ang professionalism at cooperation ng Philippine law enforcement authorities sa naging verification process.