-- Advertisements --

Naglunsad ng malawakang search and rescue operation ang mga awtoridad matapos na higit 20 katao ang maitatalang nawawala dahil sa matinding flash flood sa Grand Canyon sa Arizona.

Naganap ang aksidente matapos ibuhos ng malakas na monsoon storm ang halos isang pulgadang ulan sa loob lamang ng 30 minuto, na mabilis na nagdulot ng malakas na agos ng tubig, putik, at mga bato sa kahabaan ng Bright Angel Creek at Phantom Ranch.

Ligtas namang naiahon at naisailalim sa air evacuation ang higit 60 hiker at residente mula sa nasalantang lugar sa tulong ng National Park Service at Arizona Department of Public Safety.

Sadyang winasak ng rumagasa baha ang halos lahat ng footbridge sa lugar, dahilan upang pansamantalang isara nang walang kaukulang petsa ang Phantom Ranch, Bright Angel Campground, at North Kaibab Trail.

Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng mga tagasagip sa American Red Cross upang bigyan ng paunang tulong ang mga naitalang pamilya habang sinusuyod ang gilid ng ilog para sa mga nawawala.

Nananatiling nakataas ang Flood Watch sa hilagang bahagi ng Arizona dahil sa banta ng mga susunod pang pag-ulan na maaaring magdulot ng panibagong pagbaha at pagguho ng lupa sa mga bangin.