Pumalo na sa P6.16 bilyon ang kabuuang pinsala sa imprastraktura habang umabot naman sa P2.32 bilyon ang nawala sa sektor ng agrikultura bunsod ng patuloy na pag-iral ng Southwest Monsoon o Hanging Habagat, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).
Batay sa ulat ng OCD Disaster Preparedness Service sa pamumuno ni Tomas, humigit-kumulang 724 na lugar na sa buong bansa ang direktang naapektuhan ng masamang panahon, matitinding pag-ulan, at malawakang pagbaha.
Sa kasalukuyan, patuloy ang ginagawang pagtatasa at beripikasyon ng mga awtoridad sa mga nasirang kalsada, tulay, at iba pang pampublikong pasilidad, pati na rin sa mga nasirang pananim at palayan.
Tiniyak naman ng OCD na nakatutok ang kanilang tanggapan sa tuluy-tuloy na pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya ng gobyerno upang mabilis na maipaabot ang kinakailangang tulong sa mga apektadong komunidad.
Muli namang nagpaalala ang mga awtoridad sa mga residenteng naninirahan sa mga mabababang lugar at flood-prone areas na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso ng mga lokal na pamahalaan at disaster response teams.















