-- Advertisements --

Hiniling ni TINGOG Party-list Rep. Jude Acidre na taasan ng gobyerno ang reimbursement sa mga State Universities and Colleges (SUCs) para matiyak na sapat ang pondo para sa kalidad na edukasyon.

Ayon kay Acidre, dapat pag-aralan ang pagtaas at pag-uniporme ng tuition rate sa SUCs sa ₱200 kada unit. Gayunman, nilinaw niyang hindi ito dapat ipasa sa mga estudyante dahil libre ang tuition sa ilalim ng Free Higher Education (FHE) program at gobyerno ang dapat magbayad nito.

Ipinakita ng Commission on Higher Education (CHED) na magkakaiba ang tuition rates sa mga SUC. May ilan na naniningil lamang ng ₱50 kada unit, habang ang iba ay umaabot hanggang ₱1,000 kada unit.

Ayon sa CHED, kailangan ng dagdag na ₱2.4 bilyon upang maitaas sa ₱200 kada unit ang tuition reimbursement para sa mga SUC na mababa sa naturang halaga.

Iginiit ni Acidre na mahalaga ang sapat na reimbursement dahil marami pa ring SUC ang nangangailangan ng dagdag na pondo para sa mga silid-aralan, guro, kagamitan at iba pang pasilidad.

Iniulat din ng CHED na 68% ng 541 SUC at campuses sa kanilang unang pagsusuri ang lumampas na sa tinatayang kapasidad ng kanilang enrollment.

Binigyang-diin ni Acidre na ang libreng kolehiyo ay hindi lamang dapat tungkol sa walang tuition fee. Dapat ding tiyakin ng gobyerno na sapat ang resources ng mga SUC upang makapagbigay ng kalidad na edukasyon.