-- Advertisements --

Napanatili ng bagyong Pilandok ang kaniyang lakas habang halos hindi ito kumikilos sa karagatan sa silangan ng Extreme Northern Luzon, batay sa pinakabagong ulat ng state weather bureau ngayong araw.

Huling natagpuan ang sentro ng naturang bagyo sa layong 1,120 kilometro sa silangan ng Extreme Northern Luzon na may taglay na maximum sustained winds na 55 kilometers per hour malapit sa sentro at pagbugsong umaabot sa 70 kilometers per hour.

Kasabay nito, patuloy na umaapekto ang Southwest Monsoon o Hanging Habagat sa malaking bahagi ng Luzon at sa kanlurang bahagi ng Visayas na inaasahang magdadala ng mga pag-ulan sa mga susunod na oras.

Bukod sa Bagyong Pilandok, binabantayan din ng state weather bureau ang isang tropical cyclone sa labas ng Philippine Area of Responsibility na matatagpuan sa layong 1,180 kilometro sa kanluran ng Extreme Northern Luzon na may lakas ng hangin na 45 kilometers per hour at kumikilos patimog sa bilis na 15 kilometers per hour.

Samantala, patuloy rin ang pagsubaybay sa Tropical Depression Saudel, na dating kilala sa lokal na pangalang Obet, na huling naitala sa layong 485 kilometro sa kanlurang-hilagang-kanluran ng Itbayat, Batanes na may taglay na hangin na 45 kilometers per hour habang kumikilos patungong hilaga-hilagang-silangan sa bilis na 15 kilometers per hour.

Dahil sa pinagsamang epekto ng mga bagyo at ng Habagat, patuloy na pinaiingat ng mga awtoridad ang publiko at ang mga lokal na pamahalaan laban sa banta ng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga delikadong lugar.