-- Advertisements --

Nagtapos ng makasaysayan ang ginanap na snowy snap election sa Japan.

Ito ay matapos makakuha ng landslide victory ang coalition ni Japan Prime Minister Sanae Takaichi, ang kauna-unahang babaeng Prime Minister sa kasaysayan ng Japan, ang tinaguriang “fourth largest economy” sa buong mundo.

Nagwagi ang Liberal Democratic Party (LDP) ng mahigit 310 mula sa 465 seats sa lower house ng Japan, ito ang unang pagkakataon simula noong World War II na nakakuha ng two-thirds majority vote ang isang partido.

Matatandaan, nahalal si Takaichi bilang bagong PM ng Japan noong Oktubre 21 ng nakalipas na taon. Si Takaishi rin ang pinuno ng namamayagpag na LDP, pero dahil hindi nakuha ng partido ang mayorya ng parehong kapulungan ng parlamento, nagpatawag si Takaishi ng snap election upang makakuha ng direktang mandato mula sa taumbayan.

Nagpaabot naman ng pagbati si US President Donald Trump sa pagkapanalo ni Takaichi. Matatandaan, nakatanggap si Takaichi ng pambihirang pag-endorso mula sa US President. Sa katunayan, inimbitahan pa ni Trump si Takaichi na bumisita sa White House sa Marso 19.

Sa ngayon, humaharap ang Japan sa ilang mga hamon kabilang ang mabilis na pagtanda ng kanilang populasyon, pagtaas ng cost of living, humihinang halaga ng yen, at lumalalang relasyon sa China kasunod ng pahayag ni Takaichi na posibleng makialam ang Japan sa Taiwan conflict.